Ako’y Isang Tinig
Ang katipunang ito ay isang pag-asa't isang pananalig. Isang pag-asa: na makapag-abuloy, gaano man kaliit, sa Panitikang sarili na minahal-mahal na noon pa mang panahong ito'y tinutunghan at minamaliit ng marami. Isang pananalig: na hindi naman lahat na ay pangangalakal na laman ng panulat. At sapagka't mayroon pa namang nakikihati sa ganitong uri ng pag-asa't pananalig, sa gitna man ng laganap na pangungumersyo ng kung tawagi'y sining ng pangangatha, ang paglalakas-loob ay naangkin. Mahirap itakda ang guhit na maghihiwalay sa katotohanan at guniguni, ngunit akda man ng kawalang-malay, ng pag-abot na pilit sa rurok halimbawa, o ng pangangarap, o ng saglit na pagkaunawa kaya, kasisinagan ng katapatan ang mga akdang napiling isama sa katipunang ito. Akibat ng katapatang iyan ang pag-asa ng nagtipon ng mga katha't sanaysay na naririto na ang mga "mulat" na manunulat sa sariling Wika ay mag-aabuloy ng kani-kanilang katipunan sa ikauunlad at ikaluluwalhati ng ating Panitikan. Author: Genov