Pangontra ni Allan N. Derain
Itinatampok sa aklat na ito ang re/bisyon sa mga kuwentong alamat ng ating bayan sa layong makapagluwal ng mga bagong posibilidad ng pagtanaw. Kinikilatis ang mga tauhang ating nakalakihan sa mga aklat pambata at salaysay ng ating mga nakatatanda, mga tauhang tulad nina Tungkong Langit, Alunsina, Lola Basyang, at Kapitan Gimo, sa layong makita ang iba pang mga mukha sa likod ng mga pamilyar na mukha. Binabalikan ang gubat na madilim ng Florante at Laura at bahay kubo ng kantang “Bahay Kubo” upang mahanap sa mga pamilyar na lugar na ito ang mga nawawalang hindi inaakalang nawawala sa simula. Higit sa lahat, pinangingibabaw nito ang muling pagharaya bilang paghamon sa naunang pagharaya. Bilang pangontra, kumbaga. Madalas intindihin ang pangontra bilang bulong, dasal, o inskripsiyon na puwedeng gamiting panangga o panlaban sa mga anyo ng kapangyarihang hindi natin nakikilala gaya ng mga sumpa, salot, at maligno. Dahil ang pangontra at ang pagkukuwento ay parehong umiiral sa antas ng pagk